User Rating: 5 / 5

Star ActiveStar ActiveStar ActiveStar ActiveStar Active
 

Sa lahat ng gamit ng bitamina A sa katawan, pinakasikat na yata ang pampalinaw ng mata. Ngunit alam nyo ba na kailangan din ang bitaminang ito para labanan ang iba't ibang impeksiyon at para sa maayos na paglaki ng mga bata?

Ang bitamina A ay kailangan upang mapanatili ang normal na dami ng cells at matiyak na sapat ang mucous na nagpapanatiling basa at malagkit ang mga ilang bahagi ng katawan. Katulad nito ay ang gilid sa loob ng ating baga, lalamunan at bituka, pinagdadaanan ng ihi at ang ating mga nervous at reproductive systems. Ang mucous na galing sa mga cells ay may mga sangkap na nakapupuksa ng mga mikrobyo, kaya lumalakas ang resistensya at nalalabanan ang impeksiyon ng katawan. Kapag may kakulangan sa bitamina A, madaling dapuan ng sakit katulad ng sakit sa baga (respiratory infection) at pagtatae. Maaari ding lumala ang tigdas lalo na sa mga bata kung kulang sa bitamina A.

Bukod dito, ang bitamina A ay kailangan din para sa maayos na paglaki. Tumutulong ito sa paglaki ng mga buto o bone growth. Ang bitamina A ang nagpapanatili sa pagiging flexible ng mga buto para madali at normal ang paglaki nito.

Upang magkaroon ng sapat na bitamina A sa ating katawan, ugaliing kumain ng mga pagkaing mayaman sa bitaminang ito. Kabilang na dito ang atay, itlog, keso, dilis, mga lamang dagat tulad ng tahong at tulya, dilaw at berdeng gulay, at dilaw na prutas. Halimbawa ng dilaw at berdeng gulay ay carrot, kamatis, kalabasa, dahon ng malunggay, kamote, kangkong, pechay at saluyot. Ang mga prutas tulad ng mangga, papaya, saging at melon naman ay halimbawa ng mga dilaw na prutas. Marami na ring mga pagkain ang dinagdagan o fortified ng bitamina A tulad ng noodles, mga inumin, sawsawan, mantika at asukal. Piliin ang mga pagkain mayroong Sangkap Pinoy Seal (SPS) dahil ito ang mga pagkain dinagdagan ng bitamina A.

Kaya sa susunod na kakain ng mga pagkaing mayaman sa bitamina A, isipin ninyo na ito'y para mapanatiling malinaw ang mata at lumakas rin ang inyong resistensiya.

Para sa karagdagang impormasyon at kaalaman sa pagkain at nutrisyon, sumulat o tumawag kay Dr. Mario V. Capanzana, Direktor, FNRI-DOST sa kanyang email address: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o sa telepono bilang 837-2934/837-3164. Maaari ding bisitahin ang FNRI website: http://www.fnri.dost.gov.ph. I-Like din ang aming Facebook page sa facebook.com/FNRI.DOST o sundan kami sa aming Twitter account sa twitter.com/FNRI_DOST. (DOST-FNRI S&T Media Service: Press Release – CHARINA A. JAVIER)

Featured Videos

iFNRI Online Services
ifnri

More

Back to Top